Tuesday, August 30, 2005

She Bangs!!


Noong isang linggo ay may bisita akong isang intsik na nagngangalang Simon. Maliit syang tao at may kakatwang hawig kay William Hung.

Marahil ay wala rin talagang hilig sa pinoy food si William Hung tulad ni Simon. Sa ikalawang beses kong pagdala kay Simon sa pinoy style na kainan ay bahagya niyang isinaad na hindi niya gaanong naibigan ang panlasa ng nasabing pagkain. Ibig niya pa rin talaga sa kaniyang tinubuang pagkain na chinese style. Sa pagkapansin kong katamlayan ni Simon ay dinala ko siya sa isang lugar na kadalasang pinupuntahan ng nag iisang lalaking banyaga. Noon ko lang nakitang lumaki ang mga mata ng nasabing intsik..

Friday, August 26, 2005

The Kindly Ones

Sa kasalukuya'y inuunti-unti kong basahing muli ang graphic novel na The Kindly Ones ni Neil Gaiman. Ito ang ika-9 na bahagi ng kanyang Sandman storyline. Ang kopyang nasa akin ay ang paperback na 3rd edition printing ng nasabing aklat. Ito ang pinakamakapal sa lahat ng Sandman collection sapagkat ito ay binubuo ng 13 comics. Ito ay may kapal na isang pulgada at marahil nga'y mahaba ang aklat na ito para basahin sa isang upuan.

Nilalaman ng aklat na ito ang pahahanap ng katarungan ni Hyppolita Hall sa pagkamatay ng kaniyang anak na si Daniel. Hiningi niya ang tulong ng mga Furies upang paghigantihan si Dream na sa kanyang akala ang kumitil ng buhay ng kanyang anak. Sa kahuliha'y nagtagumpay si Hyppolita sa kanyang hangarin laban kay Dream, at ipinakita din dito ang pagpalit ng yumaong Daniel sa bago namang aspeto ni Dream. May saysay lamang ang mga nasaad ko rito kung mayroon nang alam ang mambabasa sa una nitong 8 naunang aklat.. abangan?

Sunday, August 21, 2005

Ang Bago Kong Laptop



Paguwi ko noong sabado galing Iloilo ay natambad sa akin ang bago kong laptop na aking lubos na ikinatuwa. Ito ay ang poging-poging HP Compaq Presario M2202. Di man masyadong mabilis ang ganitong modelo ay mainam naman ito kaysa sa ginagamit kong Jurassic na laptop. Ito ay may wifi, card reader, 512Mb na memory, at DVD combo drive. Mayroon din itong Altec Lansing na speakers na kung saan ang mga awit ni Andrea Corr sa kanilang MTV Unplugged DVD ay tumutunog nang napakainam.

Sa kasalukuya'y sa laptop na ito ko ipinapatakbo ang mga kalkulasyon ng permutations sa aking relative multiverse equation o ang RME. Tinantantya ng equation na ito ang mga posibilidad na bilang ng universe na may katulad o hawig sa ating uniberso sa aspetong pisidad na maaring mabuo magmula noon pang pasimula o ang tinatawag na Singularity Period. Tinatayang aabutin ang computer na ito, na may bilis lamang na 1.5MhzCPU, ng humigit kumulang na 600 taon upang matapos nito ang nasabing kalkulasyon.

Friday, August 19, 2005

Room129

Sa aking pagkakaalam ay hindi lamang sa LaPaz batchoy kilala ang Iloilo. Ang mga tao rin dito'y kilala sa pagkamasayahin, mababait, at palakaibigan. Nais kong ipakilala ang isa sa mga naging kaibigan dito na si Wella.

Siya ay 19 na taong gulang, sa kaniyang paglahad sa akin. Siya ay nakatulong sa akin sa isa sa mga proyektong aking ginagawa. Siya ay isang taong napaka sweet at maraming alam sa larangan ng kanyang pagkadalubhasa na tulad rin sa akin.

Narito naman si Pretzie.
Nais kong pasalamatan siya sa pagbigay niya ng kanyang maayong larawan upang ito'y aking maging remembrance. Malaking tulong din si Pretzie sa aking naging proyekto doon sa Iloilo. Kakatuwa lamang ang kanyang pamamaraan ng pananalita sapagkat minsa'y para siyang Intsik kung managalog. Ngunit sa kanyang pananalitang iyon ay minsa'y nagtutunog rin siyang parang si Tarsan, lalo na kung lasing. Anupama'y isa siya sa mga napakabait na katrabaho at siguradong kasama siya ulit sa mga susunod kong proyekto doon. Sa larawang ito kapansinpansing may kahawig siya kay Anna Leah Javier ng maalindog na grupong Viva Hotbabes. Ang sabi niya nama'y minsang inihawig siya kay Amanda Page. Si Pretzie ay Libran at siya ay dalubahsa sa feminie wash na aming naging proyekto noon.

Ito naman ang aking personal na larawan sa kanya. Mayroon akong 3 awit na maitutugma sa larawang nasa itaas. Ito ay ang:
a. Here in my Room ng Incubus
b. 11am ng Incubus
c. Time to Say Goodbye ni Nina
:0)

Thursday, August 18, 2005

Iloilo City, Airport Edition

Ibig kong simulan ang bahaging ito ng aking blog sa pag kumpara sa mga airports ng Manila at ng Iloilo. Tinatawag na Centennial Terminal ang airport sa Manila na kung saan mga PAL lamang ang gumagamit maging international o domestic ang biyahe. Sa Iloilo naman, iisa lamang ang airport. Malaki at maayos ang centennial airport. Dito ay may maganda at palaging malinis na palikuran at ang paligid ay may maayong lamig. May mga mabibilihan dito na iba't ibang makakain, babasahin, at ilang souvenir items. Ang aking payo lamang ay bumili na ng tubig sa labas sapagkat ang pinakaliit na botelyang tubig ay nagkakahalaga dito ng P45. Sana lamang any may free wireless ang malaking airport na ito. Ang Iloilo airport naman ay medyo may kaliitan subalit aking napansin ang mga bagong idinagdag dito mula ng ako'y huli ditong nakapunta. Mayroon na ngayong malaking TV at naka-cable na ito. Kapansin pansin ding wala na ang mga naglalakihan bentilador sapagkat napalitan na ito ng mga aircon. Mayroon ding mabibilihan ditong samu't saring mga bagay ngunit sa susunod ko na lamang ito bibigyan ng pansin dito. Sa larawang ito ay ipinapakita ang liwanag sa labas sapagkat sa kasalukuya'y sumasabog noon ang isang eroplano ng Air Philippines nang ito ay naglanding dito ng walang mga gulong.

Narito pa ang ilang larawan sa pagkumpara ng dalawang nasabing airports.

(May tinatawg na bridge ang centennial na kung saan ay makakatungo ka mula sa waiting lodge nito papuntang eroplano samantalang sa airport ng Iloilo naman ay kailangan mo pang lumabas at umakyat ng wheeled stairs upang makasakay.)

Tuesday, August 16, 2005

Rebyu

May mga pagkakataong aking irerebyu ang mga bagay na tunay na pumukaw ng aking pansin sa mga nakaraang araw. Maari itong maging mga awitin, palabas sa sinehan, albums, aklat o mga lathalain, restaurants, at iba pa. Tulad ng kagabi'y pinalad akong makita ang mga DVD na aking nang matagal na hinahanap; na tunay ngang akin namang ikinatuwa. Narito rin ang aking mga rebyu sa mga ito:



The Corrs Unplugged
Rating: 18.6 billion stars
P60
Ang matagal ko na ngang hinanahap na MTV Unplugged ng the Corrs na ngayo'y nasa 5.1ch version. Naganap ang recording na ito noong 1999 sa MTV Unplugged sessions at ito na maari ang kanilang pinakamagaling na live performance. Sa DVD na ito, kakatuwang hindi nila inalis ang pagkakamali ni Caroline sa bandang huli ng awiting Runaway. Isa din sa dapat kapanabikan dito ang awiting No Frontiers na kung saan nagtambal dito sina Sharon at Caroline.


IncuBus Morning View Sessions
Rating: 21.14 billion stars
P60

Bagamat marami na silang inilabas na DVD versions ng kanilang iba't ibang concerts, ang Morning View Sessions lamang ang dito'y may kadaliang matatagpuan. Sa DVD na ito ay ang mga kapanapanabik na awiting Drive, Mexico, Nice to Know You, at Wish You Were Here.



Sin City
Rating: 19.3 billion stars
P60

Napakahusay ng paglalahad dito ng tunay na mga eksena sa komiks na Sin City ni Frank Miller. Isa sa mga direktor nito ay ang batikang si Quentin Tarantino kaya nga't ito'y may kakaibang aksyon at may pangkabuuang kabuluhan ang tatlo nitong mga bahagi. Sa sobrang ganda ng pelikulang ito ay naunahan na itong ilabas sa ating mga mamamayan bago pa man ang opisyal nitong paglabas sa merkado.



6-in-1 Monica Bellucci DVD
Rating: 120.8 billion stars
P80

Sa DVD na ito matatagpuan ang 6 na pinakamahusay na pelikula ng premiryadong aktres na si Monica Bellucci. Gayunpama'y sa Malena at Irreversible inilahad ng aktres ang tunay niyang angking kakayahan sa pinilakang tabing.

_________________


Abangan din ang pagbabalik ni Fiona Apple sa darating niyang album na Extraordinary Machine. Malipas na halos 6 taon nang nabuo ang album na ito subalit hindi nga nailabas sa masa sa dahilang hindi naniwala ang Sony sa kakayahan ng mag aawit na umangat sa merkado ang kanyang pamamaraan ng musika. Abangan ang ikatlong album na ito sa Oct.4, 2005.

Thursday, August 11, 2005

Ika-9 na Dimensyon


-Ang 11-dimensyon (space-time) ng sansinukob na kung saan ipinapakita ang 5 superstrings at ang relasyon nito sa supergravity.

Sa aking pag aaral ng M-theory ay lubos kong tinuunan ng pansin ang pagkakaroon ng higit pa sa 4 na dimensyon ng ating kalawakan. Sa ating pang araw-araw na pamumuhay ay nakakapansin tayo ng mga bagay na alam naman nating nasa paligid ito ngunit biglang nawawala. Halimbawa'y noong Aug2 ay nahulugan ako ng isang bagay sa isang di kalakihang kuwarto ngunit hindi na namin natunton ang kinaruruunan. Sa tulong ng syensa ng M-theory at ang aking pagkadalubhasa dito ay nahanap ko ang bagay. Nasa akin lang pala, ngunit ito'y aking nakita sa ika-9 na dimensyon ng aking suot na sapatos. Nakita ko rin sa dimensyong ito ng aking sapatos ang isang lumang dalawampung piso, 1 susi, pinagbalatan ng balut, at 3 hinog na mangga.

Tuesday, August 09, 2005

M-Theory

Sa kasalukuyan ay malubos kong ginagamit ang aking oras sa pagaaral ng teyorya ng sansinukob. Nais kong gamitin ang pagkadalubhasa ko dito sa pagluluto ng porkchop. Samantala, Tudings pa rin ang No.1.

Friday, August 05, 2005

Gapo



Narito ang isang pangkaraniwang gabi sa Gapo sa labas lamang ng Subic. Dito'y pangkaraniwan lamang ang mga grocery stores na magdamagang nakabukas tila ba 7-11. Sa gabing paglalakad (sa totoo'y ala-una na iyon) ay buhay pa rin itong maliit na lugar sa Gapo. Ang inaasahang pag tutuos sa Asahi beer (tanging sa subic free port ko lamang ito matagpuan) ay panandaliang ipinagliban upang pagbigyan si pareng light. Sa dami ba namang kinang sa gabing iyon ay hindi naayong sa hotel na lamang maglight. Kasama ang isang kaibigan ay nakatagpo kami sa di kalayuan ng maayong lugar upang magpalamig. Ibig ko mang gumamit ng kamerang may maatas na resolusyon ay napilitan ko na lamang gamitin ang aking telepono dahil alam ko namang ito ay bawal sa lugar na ito at upang sa manawari'y aking ilahad dito ang isang mallit na sulyap sa loob ng mga nagkikinangang establisyemento sa gabi.
Sisihin ang mga pamunuuan ng O2 sa paglagay nila ng di kanaisnais na camera sa kanilang telepono.

Wednesday, August 03, 2005

Asahi

Sana'y makabili ako ng Asahi beer mamaya at malasing nito sa gabi, sa Subic.

Tuesday, August 02, 2005

Tabla

Upang manalo sa laro o laban ay kailangang pagisipang mabuti ang susunod na galaw at maghanda ng nararapat na taktika. Hindi ako ganon.

Nagsimula ang laro sa pagpasa ng dokumentong mura lamang ngunit sa tingin ng pagbibigya'y langit kataas. Sa ilang taon na kasing nalilibre, tila ba kahit piso ay mahal. Matapos ng maraming pagsiyasat ay nauwi rin sa "titingnan pa namin" ang eksena. SCORE 0-1

Mabilis ang mga susunod na pangyayari. Si Luningning na akala ko'y malaon ng lumisan ay tila ba isang masarap na ihip ng hanging dumating. May dahilan pa upang bumalik sa mga susunod na araw. Ngunit sa ngayon: SCORE 0-2

Medyo mabigat ang kalaban. Siya ang isa sa pinakamalakas ngayong taon at ako'y nag-iisa lamang. Akin lamang natandaa'y gayahin mo ang kalaban at ika'y makakapuntos. Sa una'y mukhang wala ng pag asa ngunit may kasabihan ngang "walang matigas na tinapay sa ..Goldilocks". Akin bang malay na ngingiti rin ang katunggali? Akin na ang puntos, oras na upang mag pinoy istayl ispageti. SCORE 1-2

Maaga akong nakarating sa fairview. Ngunit ginabi rin ako upang masupil si Norton at ang Multo. Mabuti ay dala ko si Windows 95 boot disk na tila bang naglahad bigla ng kanyang kahalagahan. Isang text na Thank you very much ang nagbadyang: SCORE 2-2


Times like these calls for an Ihi ni Maria:


IHI NI MARIA

2 1/2 oz vodka
1/2 oz dry martini
1/4 oz cointreau
lemon wedge as garnish

stir with 4 cubes ice on a 4 inch glass

Monday, August 01, 2005

Multo

Ubod ang aking respeto sa mga pamunuan ng Symantec sa kanilang produktong Norton Ghost. Di mo akalaing nakatipid ang isang pang pamununuan ng halos isang milyong piso, katapat lamang ay tatlong CDs ng imahe ng kanilang hard drive.

Babala po lamang na walang fdisk ang Norton Ghost '03 boot disk gamit upang partisyunin ang isang bagong hard drive. Sa madali't salita ay nasayang lamang ang aking mahabang biyahe sa fairview.

***

Caller1: Hello nandyan po ba si Mang Andoy?
Caller2: I'm sorry but Mang Andoy has already past away... would you like to leave a message?

Ang Panimula

Magandang gabi.

Aking sinisimulan ngayon ang aking online-blog sa kadahilanang ito sana'y inyong kagiliwan o kundi ma'y matuunan ng pansin at panggalingan ng reperensya sa anumang bagay na ito'y makakatulong. Aking ilalahad dito ang aking iba't ibang pananaw, sa pang araw-araw na pamumuhay bilang isang tuldok dito sa daigdig. Aking bibigyan ito ng istilong sa abot ng aking makakaya'y... basahin n'yo na lang.

Mga bagay na aki'y panimulang sasagutin:

Bakit tagalog? - Wala lang. Kapansinpansin na kasi ang iilan lamang na blog na tagalog.

Lahat ba ng entry ay tagalog? -No. Ngunit aking pipilitin na lahat ay tagalog.
Paunawa: Sa minsan kong paglahad sa ingles, maari ninyong itama ang aking mga pagkakamali, sa anumang oras na inyong nanaisin, sa inyong sariling isip lamang.

Bakit "Isa pang rice" ang titolo ng blog? -Ang katagang ito ay masasabi na nating tipikal sa pang araw araw na buhay ng isang nanananghalian sa labas. Ito ma'y isa sa aking madalas na ginagamit. Mayroon din itong malalim na kahulugan, kung ano'y hindi ko pa alam.

Tunay bang ikaw ang nasa larawan? -Hindi po, bagamat ang nararapat na istilo ng pagbasa ng nakapaloob dito'y ang kanya.

Hindi ba't napakaganda ng araw ngayon?